-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Ipinag-utos na ni Governor “Chiz” Escudero na magkaroon ng cleansing sa listahan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa buong Sorsogon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dong Mendoza, tagapagsalita ng dating senador, natuklasan na marami ang mali sa record o mga dokumento ng mga miyembro ng PhilHealth gaya ng maling spelling ng pangalan, status at iba pa.

Dahit dito, marami ang miyembro ang hindi nakakakuha at nasasayang lamang ang benepisyo na dapat para sana sa kanila.

Ayon kay Mendoza, halos aabot sa mahigit P40 million na share ng Sorsogon sa PhilHealth ang hindi nakolekta ng nakalipas na taon dahil sa naturang mga problema.

Layunin ng cleansing process na matiyak na ang bawat residente ay lehitimong miyembro at makakatiyak na makukuha ang benepisyo sa ilalim ng Universal Health Care Law.

Dagdag pa ni Mendoza na target itong matapos sa darating na Oktubre upang maging isa sa lalawigang sa mga pilot area na kinilala ng pamahalaan na magkaroon ng full implementation ng Universal Health Care.

Ang Sorsogon din ang pinakaunang lalawigan sa bansa na magsasagawa ng cleansing sa listahan ng PhilHealth.