Dapat magkaroon ng performance audit sa mga joint venture agreements sa pagitan ng water districts at mga pribadong kumpanya kasunod ng reklamo ng mga apektadong residente dahil sa palpak na suplay ng tubig.
Sa panayam, iminungkahi ni Senate Committee on Local Government Chairman Senador JV Ejercito, dapat masilip ng kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang performance ng mga water concessionaires na pumasok sa kasunduan sa local water districts.
Giit ng senador, dapat na maghatid nang maayos na serbisyo ang mga water concessionaires lalo’t pumasok ang mga ito sa isang kasunduan sa lokal na pamahalaan o utilities.
Dagdag ng senador, noong dinepensahan niya raw ang public-private partnership code, iginiit nito na dapat masuri daw ng national governement o ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang isang kasunduan at hindi agad rumerekta sa local water districts para sa joint venture agreements.
Una nang inihain ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang Senate resolution 1352 upang ipanawagan sa Senate Committee on Public Services na magkasa ng pagdinig sa mga joint venture agreements sa pagitan ng water districts at mga pribadong kumpanya—na nagreresulta sa kakulangan o palpak na suplay ng tubig.
Ipinunto ni Hontiveros na ilan sa mga kasunduang ito ay nakita ng Commission on Audit (COA) na “disadvantageous” o hindi nakakabuti para sa mga konsumer.
Kailangan na aniyang silipin ang mga water concessionaires na ito dahil maraming Pilipino ang uhaw na uhaw sa maayos na serbisyo lalo na ngayong tag-init.
Binigyang-diin din ng senadora na dahil sa kakulangan ng transparency at malinaw na accountability mechanisms sa mga kasunduan, nagiging mahirap para sa publiko na panagutin ang mga pribadong concessionaire, mga board ng water district, local water utilities administration, National Water Resources Board, ang Commission on Audit, at ang Public-Private Partnership Center.