Kinumpirma ng Department of Transportation (DOTr) na nagpositibo sa iligal na droga ang dalawang driver ng Solid North Bus company.
Nauna na kasing isinailalim sa mandatory drug test ang lahat ng driver ng naturang bus company matapos ang matinding pagbangga ng isang unit nito sa 4 na iba pang sasakyan na ikinasawi ng 10 katao at ikinasugat ng mahigit 30 iba pa sa SCTEX Tarlac Toll Plaza noong Mayo 1 matapos makaidlip ang driver nito na nagresulta sa collision.
Subalit ayon sa ahensiya, nagnegatibo sa iligal na droga ang mismong driver ng bus na sangkot sa naturang collision.
Bagamat negatibo ito sa iligal na droga, sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na umiinom ang naturang driver ng maintenance medication na posibleng naging sanhi ng pagkaantok nito.
Isasailalim naman sa confirmatory tests ang mga driver na nagpositibo sa iligal na droga.
Samantala, nagsasagawa din ng inspeksiyon ang Land Transportation Office (LTO) sa bus units ng nasabing bus company para sa roadworthiness ng mga ito.
Sa ngayon, nasa 46 mula sa 276 bus units ang roadworthy habang nagpapatuloy ang inspeksiyon sa iba pa.