Kasabay ng kanyang pagbisita sa kontrobersiyal at tinaguriang “dolomite beach” ipinag-utos ngayon ni Supreme Court (SC) Chief Justice Diosdado Peralta sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magsumite ng scientific studies at findings kung ano nga ba ang epekto ng mga nadurog na dolomite sa kalusugan ng isang tao.
Ang punong mahistrado na lamang ang natitirang justice ng Korte Suprema na siyang nagbigay ng direktiba noong 2009 sa 13 government agencies na magsagawa ng clean up drive, rehabilitation at ipreserba ang Manila Bay.
Kasama rin sa utos ng kataas-taasang hukuman na ibalik at imintina ang tubig ng Manila Bay sa class SB level, ibig sabihin ang tubig ay puwede para sa recreational activities gaya ng swimming at skin diving.
Noong Enero 26, naging keynote speaker si Peralta sa 1st Anniversary ng “Battle for Manila Bay.”
Ipinunto noon ng punong mahistrado na ang karapatan sa malinis na kapaligiran ay isa sa pinakamataas na karapatan ng bawat Pilipino at may responsibilidad ang susunod na henerasyon na pangalaagaan ang kapaligiran.
Tiniyak din ng Peralta na katuwang ni Korte Suprema ang clean-up ng Manila Bay sa pamamagitan ng SC Manila Bay Advisory Committee.
“Those who decided the Manila Bay (MMDA vs. Concerned Residents of Manila Bay), most of them have retired. It is only yours truly who is still with the SC. Under Internal Rules of the SC, whoever is still with the Court, and who had participated in that decision will become the ponente or the person in-charge of the case. I am now in charge of the case,” ani Peralta.
Kanina nga bago ang kanilang personal na pagbisita sa Manila Bay white sands para inspeksiyunin ang naturang proyekto ay nagkaroon muna ng pagpupulong si Chief Justice Peralta at DENR Sec. Roy Cimatu para sa tuloy-tuloy na clean-up ng Manila Bay na binansagang Battle for Manila Bay.
Inatasan ni Peralta ang heads ng 13 government agencies na naatasang manguna sa clean-up na magsumite ng quarterly report kaugnay ng progress sa proyekto.
Nagsisilbing vice-chair ng SC Manila Bay Advisory Committee si SC Justice Rodil V. Zalameda at members naman sina SC Justice Edgardo L. Delos Santos at Court Administrator Jose Midas P. Marquez.