-- Advertisements --

Ikinagalak ng grupong Digital Pinoys ang kautusan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na tanggalin ang lahat ng icon at link patungo sa mga online gambling platforms mula sa mga e-wallet applications.

Ayon sa Digital Pinoys, isang consumer advocacy group, sinusuportahan nila ang hakbang ng BSP bilang bahagi ng mas malawak na kampanya laban sa lumalalang problema ng online sugal sa bansa.

Naniniwala si Ronald Gustilo, convenor ng grupo, na ang pagkakaroon ng direktang access sa mga gambling sites sa loob ng e-wallet apps ay nagiging daan upang mas madaling makapagsugal ang mga Pilipino, kabilang na ang mga kabataan.

Dagdag pa ng advocacy group, dapat ay magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy kung paano nakapasok ang mga gambling links sa mga app na ginagamit sa araw-araw na transaksyon.

Nanawagan din sila sa mga e-wallet providers na maging mas responsable sa pagpapatupad ng mga patakaran at tiyaking hindi na muling mangyayari ang ganitong uri ng paglabag.

Samantala, ilang mambabatas gaya nina Sens. Erwin Tulfo at Pia Cayetano ay nagpahayag ng suporta sa BSP at nanawagan ng mas mahigpit na regulasyon, o tuluyang pagbabawal sa online gambling sa bansa.

Ang BSP ay nagbigay ng 48-oras na palugit sa mga e-wallet companies upang tanggalin ang mga nasabing link, kasunod ng ulat na may ilang apps na may direktang koneksyon sa mga gambling platforms.