Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukalang naglalayong bawasan ang corporate income tax rate sa bansa.
Sa botong, 170-yes, 8-no, 6-abstain, inaprubahan ng mga kongresista ang House Bill 4157 o ang Corporate Income Tax and Incentive Reform (CITIRA) na naglalayong amyendahan ang ilang probisyon ng National Internal Revenue Code.
Sa ilalim ng panukalang ito, ang mga investments sa Metro Manila ay bibigyan ng tatlong taong Income Tax Holiday (ITH) at karagdagang incentives sa loob ng dalawang taon.
Ang mga nasa kalapit na lugar sa Metro Manila ay makakatanggap naman ng apat na taon na tax break at tatlong taon pang exemption.
Target din ng panukalang ito na bigyan ang mga investments sa labas ng Metro Manila ng anim na taon na ITH at apat na taong karagdagang tax perks.
Sa ilalim ng CITIRA, ibababa sa 20% ang corporate income tax ng mga kompanya mula sa kasalukuyang 30%.
Sisimulan ang pagbabawas sa corporate income tax na 2% sa kada dalawang simula January 2021, hanggang sa tuluyang umabot sa 20% ang pagbaba sa corporate income tax sa taong 2029.
Ipapatupad din ang rationalization ng mga fiscal incentives na ibinibigay sa mga negosyo na nais gawing performance-based, targeted, time-boound at transparent.