Nanawagan ang Commission on Human Rights (CHR) sa mga bagong halal na mambabatas ng paparating na 20th Congress na bigyang-prayoridad ang pagpasa ng dalawang panukalang batas na layong itaguyod ang karapatan ng LGBTQIA+ community, kasabay ng pagdiriwang ng pride month ngayong buwan ng Hunyo.
Sa isang pahayag nitong Biyernes, binigyang diin ng CHR ang kahalagahan ng sexual orientation, gender identity, gender expression, or sex characteristics (SOGIESC) equality bill at ng comprehensive anti-discrimination bill (CADB) bilang tugon sa patuloy na diskriminasyon at ‘di pagkapantay-pantay na nararanasan ng LGBTQIA+ sector sa bansa.
Mababatid na matagal nang nakabinbin sa Kongreso ang SOGIE at anti-discrimination bills, na madalas nahaharang dahil sa pagtutol ng ilang mambabatas na konserbatibo at mga grupong relihiyoso.
Matatandaan na noong 2022, inaprubahan ng Senate Committee on Women sa pangunguna ni Senador Risa Hontiveros ang isang bersyon ng SOGIE bill, ngunit hindi na ito umusad. Sa panahong iyon, inakusahan pa ni Hontiveros ang isang kapwa senador ng paghaharang sa panukala.
Umaasa ang CHR na ang bagong mga mambabatas ay magsisimula sa mas inklusibong pananaw at magbibigay-diin sa pagpasa ng mga batas na nakaugat sa prinsipyo ng karapatang pantao, pagkakapantay-pantay, at hustisya.