Sinimulan na ng Commission on Human Rights (CHR) ang imbestigasyon sa umano’y human rights violations sa nangyaring riot/protest sa Manila nitong araw ng Lingo, September 21.
Kung babalikan ang naturang protesta, maraming sibilyan, pulis, aktibista, at mga miyembro ng media ang nasugatan at naipit sa gitna ng marahas na protesta.
Giit ng komisyon, ang mga serye ng protesta ay may akmang lugar sa isang demokratikong komunidad; ngunit ang karapatang mag-protesta ay hindi dapat nagdudulot ng panganib sa buhay ng iba.
Hindi rin dapat ito nagiging dahilan para ma-kompromiso ang public safety.
Ayon sa CHR, bagaman may karapatan ang gobiyerno na i-regulate ang mga malawakang pagtitipon upang mapangalagaan ang public order, dapat ay nakakasunod ito sa human rights standards
Unang nagsagawa ng monitoring ang CHR Metro Manila, kasama ang isang composite team mula sa central office sa kasagsagan ng kilos protesta sa Luneta Park, Ayala Bridge, at Recto Avenue sa Manila, kasama ang EDSA Shrine at People Power Monument sa Quezon City.
Napansin ng komisyon na naging mapayapa ang mga serye ng pagtitipon sa umaga sa Luneta Park ngunit naging marahas na sa iba pang lugar.
Ayon sa CHR, kino-kulekta na nito ang mga dokumentasyon at testimoniya ng mga nai-deploy na team bilang bahagi ng imbestigasyon. Kasama rin dito ang testimoniya ng mga indibidwal na nasaktan, nai-detene, at mga nakasaksi sa kilos-protesta.
Tiniyak ng komisyon na magsasagawa ito ng ‘impartial inquiry’ upang matukoy kung may nangyaring human rights violations, lalo na sa lumabas na report na may nilabag ang pulisya na rules of procedure sa paggamit nito ng pwersa.