-- Advertisements --

Nilagdaan ng Commission on Human Rights (CHR) at ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang isang Memorandum of Agreement (MOA) na naglalayong palakasin at pag-ibayuhin ang proteksyon ng mga mamamahayag sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ang kasunduang ito ay nagpapakita ng pagtutulungan ng dalawang ahensya upang masiguro ang kaligtasan at seguridad ng mga miyembro ng media.

Ang seremonya ng paglagda sa MOA ay pinangunahan mismo nina CHR Chairperson Richard P. Palpal-latoc at PTFoMS Executive Director, Undersecretary Jose A. Torres Jr. Ang mahalagang okasyon na ito ay ginanap sa CHR Central Office ngayong araw.

Ayon kay Undersecretary Torres, ang kasunduang ito ay may malaking importansya sa pagtugon sa patuloy na problema ng harassment at karahasan na nararanasan ng mga mamamahayag. Binigyang-diin niya na ang kasunduan ay isang mahalagang hakbang upang protektahan ang mga miyembro ng media mula sa mga banta.

Nakasaad sa Memorandum of Agreement ang masusing pagpapalakas ng pagpapalitan ng impormasyon sa pagitan ng CHR at PTFoMS.

Kasama rin dito ang masusing imbestigasyon sa mga kaso ng pag-atake sa mga mamamahayag, at ang mas mahigpit na kooperasyon sa pagbuo ng mga kaso upang matiyak na mapanagot ang mga responsable sa karahasan.

Layunin nitong magkaroon ng mas epektibong sistema ng paglutas sa mga krimen laban sa media.