-- Advertisements --

Tinitiyak ng pamahalaan ang kanilang dedikasyon sa pangangalaga ng kalayaan ng pamamahayag sa gitna ng iba’t ibang hamon na kinakaharap ng sektor ng media sa kasalukuyang panahon.

Ang pangakong ito ay nagpapakita ng pagkilala sa mahalagang papel ng media sa isang malaya at demokratikong lipunan.

Sa isinagawang National Press Freedom Day Conference, nagpahayag si Jose Torres Jr., ang Executive Director ng Presidential Task Force on Media Security, tungkol sa patuloy na pagsisikap at inisyatiba ng pamahalaan.

Layon ng inisyatibong ito na tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamahayag sa buong bansa at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan, lalo na sa panahon ng digital age kung saan mas laganap ang impormasyon.

Dumalo sa isinagawang National Press Freedom Day Conference ang iba’t ibang mga media practitioner mula sa iba’t ibang organisasyon at mga estudyante na nagmula sa iba’t ibang unibersidad at kolehiyo.

Tinalakay dito ang kasalukuyang kalagayan ng press freedom sa bansa, mga bantang kinakaharap at bumuo ng mga estratehiya na makakatulong upang mapanatili at isulong ang malayang pamamahayag.

Binigyang-diin din ni Usec. Torres ang mahahalagang nagawa ng kasalukuyang administrasyon sa pagpapalakas ng proteksyon para sa mga miyembro ng media.