-- Advertisements --

Hiniling ng Commission on Human Rights sa pamahalaan ang malalimang imbestigasyon sa umano’y mga paglabag sa press freedom o kalayaan sa pamamahayag sa kasagsagan ng election period.

Inihalimbawa ng komisyon ang mga natanggap nitong report sa ‘Alisto! Alert’ quick response system kung saan ilang media worker ang umanoy dumanas ng pananakot habang ginagampanan nila ang kanilang trabaho.

Ang iba, ayon sa CHR, ay pinagbawalan umanong makapasok sa mga polling precint sa mismong araw ng halalan.

Giit ng komisyon, nakaka-alarma ang mga naturang insidente dahil ang mga ito ay hayagang paglabag sa press freedom at sa karapatan ng publiko na maka-access ng napapanahon at tamang impormasyon – mga karapatang pangunahing pundasyon ng isang demokratikong pamamahala.

Paliwanag pa ng komisyon, mahalaga ang papel ng media dahil binabantayan nito ang pagiging bukas ng halalan, kasama na ang accountability sa buong electoral process.

Tungkulin ng mga otoridad, ayon sa komisyon, na bantayan at protektahan ang karapatan ng mga mamamayag sa buong bansa.

Una na ring sinabi ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na iniimbestigahan nito ang mga natanggap na reklamong hayagang paglabag sa karapatan ng mga media worker sa kasagsagan ng election period, lalo na sa mismong araw ng halalan.