NAGA CITY – Umabot na umano sa triple ang presyo ng face mask sa Hong Kong matapos ang kumakalat na virus sa iba’t-ibang parte ng mundo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Maria Samillano, Overseas Filipino Worker (OFW) sa Hong Kong, sinabi nito na dahil sa naturang sakit ay kinakapos na ang mga face mask sa rehiyon resulta kaya marahil tumaas ang presyo nito.
Ayon kay Samillano, makikita na halos lahat ay nakasuot na ng face mask mapa-bata man o matanda upang makaiwas na mahawan ng coronavirus.
Dagdag nito na dahil taglamig pa sa Hong Kong ay mas kinakailangan na magsuot ng face mask para sa proteksyon lalo na sa mga mahihina ang resistensya.
Nagkaroon na rin kasi ng makapal na hamog sa lugar na pinaniniwalaang galing sa direksyon ng China.
Samantala, dahil na rin sa sinasabing pagkalat ng coronavirus ay kaunti lamang ang mga Pinoy na lumalabas kahit pa mahaba ang rest day dahil sa ipinagdiriwang na Chinese new year ngayong araw.