-- Advertisements --

Target ng pamahalaan na matapos ang rehabilitasyon ng 1,001-megawatt (MW) Agus-Pulungi hydropower complex sa loob ng susunod na tatlong taon sa ilalim ng isang public-private partnership (PPP).

Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, “moving forward” na ang proyekto at inaasahang makukumpleto bago matapos ang termino ng kasalukuyang administrasyon.

Ang Agus-Pulangi, na binubuo ng pitong planta at pinamamahalaan ng PSALM, ay matagal nang nasa operasyon —mula 25 hanggang 50 taon—at bumaba na ang kapasidad mula 1,001 MW sa 600–700 MW dahil sa luma na ang pasilidad.

Kinumpirma naman ng PSALM na isasagawa ang proyekto sa pamamagitan ng PPP kapag may nakatalagang commercial transaction advisor.

Nauna nang isinantabi ng administrasyon ang panukalang pondong galing sa China.

Ang pagsulong ng proyekto ay kasunod ng matagumpay na bidding para sa Caliraya-Botocan-Kalayaan (CBK) hydropower plants, na magbibigay ng tinatayang P35 billion sa kaban ng bayan, ayon kay Recto.