Naaresto ng Bureau of Immigration (BI) ng isang Chinese national na sangkot umano sa ilegal na droga at human trafficking ng mga kababaihan.
Ayon sa ulat ni BI Fugitive Search Unit (FSU) Chief Rendel Ryan Sy, isinagawa ang operasyon sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng Philippine Navy, kung saan dalawang babae ang nasagip.
Kinilala ang suspek na si Jin Tian, 26 taong gulang, at siya ay inaresto sa kaniyang tirahan sa General Trias, Cavite noong Hulyo 15.
Sa gitna ng operasyon, naka-engkuwentro rin ang mga awtoridad ng dalawang karagdagang lalaking Chinese national — sina Sun Yong, 36, at Liu Zhiwei, 33. Natuklasan ng mga operatiba ng PDEA na si Sun ay may dalang isang substansiyang hinihinalang methamphetamine at mga kaugnay na gamit sa droga.
Ililipat sina Jin at Liu sa BI Warden Facility, habang mananatili naman sa kustodiya ng PDEA si Sun para sa prosekusyon ng kaso kaugnay ng ilegal na droga.
Ang mga nasagip na kababaihan ay kasalukuyang sumasailalim sa pagsusuri at inaasiste ng mga kinauukulang awtoridad.