Nagsagagawa ng mapanganib na pagharang ang fighter jet ng China sa aircraft ng Philippine Coast Guard (PCG) sa papawirin ng Panatag Shoal (Scarborough Shoal) kahapon, Agosto 13.
Sa isang statement, sinabi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela na nagsagawa ng delikadong pagbuntot ang PRC J-15 fighter aircraft sa PCG Caravan aircraft na may sakay na mga kawani ng media sa loob ng mahigit 20 minuto na nasa 500 feet lamang ang layo at dumaan pa ng direkta sa ibabaw na 200 feet lamang ang agwat.
Nakaengkwentro din ang PCG aircraft ng limang radio challenge mula sa People’s Liberation Army (PLA) Navy vessel 553 habang sinundan naman ng PLA Navy warship 568 ang dalawang US Navy vessels na namataan din sa lugar.
Ayon kay Comm. Tarriela, ito ang unang pagkakataon ngayong taon na nakaengkwentro ng PCG patrol aircraft sa ere ang isang Chinese fighter jet.
Una rito, idineploy ng PCG ang aircraft para matukoy kung nasa lugar pa ang nasirang China Coast Guard (CCG) vessel 3104 matapos ang banggaan. Subalit, kinumpirma ni Comm. Tarriela na hindi na namataan sa Panatag Shoal ang presensiya ng PLA Navy vessel 164 na sangkot sa collision incident noong Lunes.
Idineploy din ang aircraft ng Pilipinas para magsagawa ng maritime domain awareness flight sa Panatag Shoal na layuning imonitor at tiyakin ang kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino na nangingisda sa lugar.