-- Advertisements --

Ireretiro na ng Chicago Bulls ang jersey number ng dating NBA MVP na si Derrick Rose.

Batay sa announcement ng Bulls, isasagawa ang retirement honor sa January 24, 2026 sa Uniter Center, ang kasalukuyang homecourt ng koponan na nasa Chicago, Illinois.

Sa paglalaro ni Rose sa naturang koponan, isinuot niya ang jersey No. 1. Tumatak ang naturang uniporme sa Bulls fans, lalo na noong tinanghal ang 6-foot-3 guard guard bilang NBA MVP sa edad na 22.

Dahil sa naturang award, kinikilala si Rose bilang pinakabatang player na magkaroon ng MVP trophy sa kasaysayan ng NBA.

Hawak niya noon ang average na 25 points, 4.1 rebounds, at 7.7 assists per game at nagawa niyang dalhin ang Bulls sa Eastern Conference Finals, hawak ang record na 62-20.

Ang batikang point guard ay ang No. 1 overall pick noong 2008 NBA Draft. Agad siyang naging star sa naturang liga at sa pagpasok ng NBA season ay naibulsa na niya ang Rookie of the Year award.

Sunod-sunod nang napabilang si Rose sa All-Star sa loob ng tatlong season, dahil sa magandang performance.

Sa gagawing retirement, mapapabilang na ang iconic No.1 jersey ni Rose sa jersey ng iba pang Bulls legend na kinabibilangan nina Michael Jordan (23), Scottie Pippen (33), Bob Love (10) at Jerry Sloan (4).