-- Advertisements --

Kinuwestyon ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) kung bakit hindi pa rin iniimbestigahan ang flood control projects sa Ilocos Norte, ang balwarte ng pamilya Marcos.

Maalalang dati nang inirekomenda ni Singson ang naturang probinsiya dahil sa aniya’y mga palpak ding flood control project na naroon.

Sa isang panayam, sinabi ni Singson na upang magkaroon ng kredibilidad ang pangulo, dapat ay unahin muna niyang paimbestigahan ang kaniyang probinsiya bago magbintang sa ibang probinsiya.

Muling hiniling ni Singson sa ICI na magtungo sa Ilocos Norte upang makita ang mga flood control project sa naturang probinsiya.

Sa halip na unahin aniya ang imbestigasyon sa mga proyekto sa Davao, mas malapit aniya ang Ilocos Norte, habang mas madali rin itong ma-access, pagdating sa transportasyon.

Inakusahan din ng dating gobernador ang ICI na pinipigilan ang ilang indibidwal na magsalita laban sa ilang flood control project.

Partikular na tinukoy ng dating kilalang Marcos supporter si ICI Chairman Andres Reyes Jr. na umano’y pumipigil sa ilang iniimbitahang resource person na magbanggit ng ilang bagay, pangalan, atbpang senstibong impormasyon.

Sa kasalukuyan, wala pang kasagutan si dating Justice Reyes ukol dito.