Gordon Hayward/ Photo courtesy of NBA

Bumandera ang 25 points ni Gordon Hayward upang makatulong sa pagdomina ng Boston Celtics sa Miami Heat, 112-102.

Ipinasok ni Hayward ang 15 sa kanyang kabuuang puntos matapos ang halftime, at tumipa rin ng walong rebounds at limang assists.

Nagdagdag naman ng 23 points si Kyrie Irving para sa Celtics, na nakakapit pa rin sa No. 4 spot sa standings sa Eastern Conference.

“Everyone made big-time plays for us,” wika ni Hayward. “We want to be playing the best we can be going into the playoffs.”

Humataw nang husto ang Boston sa fourth quarter kung saan nagpakawala sila ng 10-2 bomba sa loob ng tatlong minuto para makuha ang kontrol sa laro.

Sunod na makakatagpo ng Celtics ang Indiana sa Sabado kung saan makakamit ng magwawagi ang No. 4 spot sa conference sa nalalabing dalawang laro.

Nagsumite naman ng 21 points si Dion Waiters para sa Miami, na nakahugot din kay Hassan Whiteside ng 18 points at 15 rebounds mula sa bench.