Mangiyak-ngiyak sa tuwa at halos hindi maipaliwanag ang naramdaman ng isang Cebuano matapos itong mag-rank 2 sa inilabas na resulta ng August 2025 Licensure Examination for Criminologists.
Si Jervie Keith Marikit na tubong Consolacion Cebu at nagtapos bilang cum laude ng Colegio De San Antonio De Padua sa lungsod ng Danao Cebu ay nakakuha ng 92.35% rating.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Jervie, ibinahagi nito na kaya niya kinuha ang kurso ay nais niyang mapanatili ang peace and order sa komunidad at maprotektahan ang mamamayan sakaling makapasok na sa serbisyo.
Siya ay panganay sa limang magkakapatid kaya pinagbutihan pa umano nito ang pag-aaral upang makabawi sa kanyang mga magulang.
Aniya, sa panahon pa lang ng pagre-review ay goal na umano nitong magtop sa naturang exam kung saan proud at ikinatuwa naman ng pamilya nito ang naging bunga ng kanyang pagsisikap.
Kwento pa ng binata na kabilang sa mga hamon na kanyang kinakaharap sa panahon ng pag-review ay ang usaping pinansyal, pressure sa pamilya, at pagdududa sa kanyang sarili.
Matapos ang nakamit, sinabi pa ng 23 anyos na sa ngayon ay gusto na muna niyang maglaan ng oras kasama ang pamilya para makabawi sa mga ito kasunod ng mahabang panahon na nakafocus sa pagreview.
Payo naman nito sa mga exam takers na dapat magdasal palagi, maglaan ng mataas na oras sa pagrereview , iwasan ang mga distractions, isaisip ang mga sakripisyong ginawa ng pamilya, magkaroon ng inspirasyon, at dapat magtiwala sa sarili.