CAGAYAN DE ORO CITY- Ikinagalak ngayon ng Cebu City Police Office ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilipat na sa National Bureau of Investigation (NBI) ang patuloy na pag-iimbestiga kaugnay sa nangyaring pagtambang patay kay Clarin,Misamis Occidental Mayor David Navarro.
Ito ay matapos nais ni Duterte na maging patas at maiwasan ang pagduda ng publiko na mayroong mangyaring whitewash kung patuloy na ang PNP ang pag-iimbestiga sa nangyari kay Navarro.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Cebu City Police Office Director Col Gemma Vinluan na parang nabunutan sila ng tinik sa kautusan ng pangulo.
Inihayag ni Vinluan na sa pamamagitan nito ay maiwasan nang mag-isip ng publiko na mayroon posibleng cover up sa gagawin nila na imbestigasyon.
Dagdag ng opisyal na nakahanda rin ito na haharapin ang anumang pananagutan kung bakit hindi nila napigilan mapatay si Navarro habang sasampahan sana ng kaso sa piskalya sa Cebu City sa nakaraang linggo.