Naka full-alert status ngayon ang Cebu City Police Office (CCPO) kasunod ng nangyaring twin bombing sa Jolo, Sulu noong Agosto 24, na kumitil sa buhay ng iilang mga sundalo at sibilyan.
Ayon kay CCPO director Police Colonel Josefino Ligan, naka-standby na ang pulisya upang maiwasan ang naturang insidente na mangyari dito.
Determinado si Ligan na paghandaan ito at nakipag-ugnayan na sila sa Muslim community upang makuha ang kanilang suporta at kooperasyon para matiyak na walang pinaghihinalaang teroristang makapasok sa lungsod.
Sasamantalahan din ng CCPO ang striktong quarantine ng lungsod kasama ang mga checkpoints, control point, port security, at border control para mahirapan ang anumang mga kahina-hinalang indibidwal na pumasok at magsagawa ng pagbabanta sa buhay na mga aktibidad.
Imomonitor din umano ang mga simbahan at mall upang maiwasan ang pagpasok ng mga explosive materials sa mga pampublikong lugar na ito.
Gayunpaman, sinabi ni Ligan na hindi sila magpakampante dahil ang mga nasabing insidente ay maaaring mangyari kahit na magbantay ang pulisya.
Hinikayat naman nito ang publiko na maging mapagmatyag at iulat ang sinumang mga pinaghihinalaang indibidwal.