Inanunsyo ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na bubuo ang tanggapan ng isang ‘task force’ na tututok sa pagkakaugnay ng pamilya Villar sa flood control projects anomaly.
Bubuuin aniya ito upang imbestigahan ang pagkakasangkot o kinalaman ni former Department of Public Works and Highways Secretary at ngayo’y Senador Mark Villar.
Paliwanag ni Ombudsman Remulla, layon sa mabubuong task force na suriin partikular ang patungkol sa river drive at flood control ng Las Piñas at Bacoor Cavite.
Pagmamay-ari raw kasi ng mga Villar ang lupa o lugar kung saan isinagawa ang proyekto kaya’t nais maimbestigahan at matukoy kung nakinabang rito ang naturang pamilya.
Habang ayon naman kay Independent Commission for Infrastructure (ICI) member Rogelio “Babes” Singson, ang isyu ng katiwalian sa flood control ay hindi lamang nag-umpisa dalawang taon nakalilipas.
“From 2016 to 2025, 1.7 trillion pesos ang nailagay sa flood control. Nevermind the convergence at all other programs just on flood control,” ani Independent Commission for Infrastructure (ICI) member Rogelio “Babes” Singson.
“And the flood control masterplan for 18 major rivers would have cost only 800-900 billion. Kalahati lang yon, kung ginawa lang ng tama,” dagdag pa ni Singson.
Dahil rito’y posibleng hindi lusot sa pananagutan si Senador Mark Villar sapagkat nagsimula ang pag-usbong ng flood control sa administrasyong Duterte kung saan siya’y naging kalihim.
Nagbigay paliwanag naman si Ombudsman Boying Remulla kung bakit kinakailangan pang bumuo ng partikular na grupo upang imbestigahan lamang ang pamilya Villar.
Giit niyay sa lawak ng ‘infrastructure project’ sa Las Piñas, Bacoor, Cavite hanggang Muntinlupa ay aabot umano ito sa bilyon piso.
Gayunpaman, sa kabila ng ilang libong kasong tinutukan ng tanggapan, tiniyak ni Ombudsman Remulla na mayroon silang sapat na mga tauhan.
Naniniwala siyang kakayanin matutukan ng mga abogado ng Ombudsman ang mga kasong hinahawakan nito sa libu-libong mga pproyekto sangkot sa anomalya.














