Unti-unti nang bumabalik ang kuryente at komunikasyon sa Southern Leyte matapos ang pinsalang idinulot ng pananalasa ng Bagyong Tino.
Ayon sa National Telecommunications Commission (NTC) Region VIII, nawalan ng signal ang dalawang pangunahing network dahil nasira ang mga fiber optic cable at nagkaroon ng malawakang power outage sa probinsya.
Ayon kay Engr. Vicentito Peñaranda ng NTC Region VIII, binabantayan nila ang pag-aayos na ginagawa ng mga telco.
Sa kuryente naman, sinabi ni Chelito Ogdoc ng Southern Leyte Electric Cooperative (SOLECO) na limitado pa lang ang may kuryente, gaya ng Poblacion ng Maasin City at ilang bahagi ng Macrohon.
Sa apat na substation sa probinsya, isa pa lang ang gumagana ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Patuloy rin ang pagbibigay ng tulong at paglilinis sa iba’t ibang lugar sa probinsya.
Ayon sa mga awtoridad, daanan na ang lahat ng pangunahing kalsada, at normal na ulit ang biyahe ng mga barko at iba pang sasakyang pandagat.
Hinihingi ng pamahalaan ang pang-unawa at kooperasyon ng publiko habang patuloy na ibinabalik ang normal na serbisyo sa Southern Leyte.















