-- Advertisements --

(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Umiinit pa ang bangayan ni City Mayor Oscar Moreno at ng police officer sa usaping pagsasailalim sana ng granular lockdown ng ilang barangay na napasukan ng COVID-19 delta variant sa Cagayan de Oro City.

Ito ay matapos sumulat ang alkalde at inilahad ang kanyang saloobin kay PNP Chief Gen Guillermo Eleazar habang naka-copy furnished sina DILG Secretary Eduardo Año at Philippine Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr ukol sa inaasal ni Cagayan de Oro City Police Office Deputy Director for Administration Lt Col Lemuel Gonda.

Una kasing ibinulgar ni Gonda ang pagsalungat ni Moreno sa rekomendasyon na napagsang-ayunan ng Local-IATF na dapat magsagawa agad ng granular lockdown sa apektadong mga barangay ng delta variant subalit itinuring ito na political attack at demolition job kaya nagulantang ang liderato ng COCPO at Police Regional Office 10.

Nakasaad sa liham ni Moreno na hindi nito nagustuhan ang inaasal ni Gonda at pinaalalahanan rin ang PNP na nasa kontrol ng upo na mayor ang operational at supervision ng local police force.

Samantala,agad naman naghain at ina-aprobahan ng alyado ni Moreno na mayoriya ng city council ang isang resolusyon na naghayag pagtatampo at pagkadismaya sa ginawa ni Gonda.

Sang-ayon rin ang mayoriya na alisin na lamang sa tungkulin sa COCPO at ilipat sa ibang lugar si Gonda dahil sa hindi nila pagkakaunawaan sa usapin.

Sa kabilang dako,hugas-kamay naman ang pamunuan ng COCPO at PRO-10 na mayroon silang kinalaman sa mga inilabas na pahayag ni Gonda sa ilang media interview nito sa lungsod.

Bagamat umapela si PRO-10 spokesperson Lt Col Michelle Olaivar na iwasan nang palakihin ang isyu dahil lahat naman naghahangad kung paano masugpo ang patuloy na paglaganap ng bayrus.

Una ring nilinaw ni Department of Health -10 regional director Dr Jose Llacuna na hindi na kakailanganin pa ang pinagtalunan na ‘granular lockdown’ sa Cagayan de Oro City na kasakuluyang nasa enhanced community quarantine.

Iginiit ng Llacuna na maipatupad lamang ang nabanggit na uri ng lockdown kung ang isang lugar ay naka-modified ECQ o kaya’y naka-general community quarantine restrictions.

Sa kasalukuyan,hinihintay ng PRO-10 ang magiging pasya ng Camp Crame o kaya’y DILG sa sulat ng alkalde kaugnay sa usapin.