-- Advertisements --

Pinaalalahanan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga deboto ng Jesus Nazareno na makikibahagi sa taunang Traslacion na pairalin ang disiplina at paggalang.

Ayon sa simbahan, ang disiplina ay mahalaga para sa pagpapakita ng tunay na debosyon, lalo na at inaasahang milyon-milyong katao ang muling dadalo sa kapistahan.

Hinikayat din ng Simbahan ang mga makikibahagi na prusisyon na panatilihin ang kahinahunan at pagpapakumbaba, salig sa mensahe ng tema ngayong taon na ‘Dapat Siyang itaas, ako nama’y bumaba’.

Hangad ng CBCP na ang pagbisita o paglilibot ng imahe ng Jesus Nazareno sa maraming lugar sa City of Manila ay maging oportunidad para maipakitang ang mga Pilipino ay may disiplina sa kanilang pagsamba, at ito ay nagpapalapit pa lalo sa kanila sa Diyos.

Umaasa rin ang Simbahan na maipapakita ng mga dadalo ang tunay na kahulugan ng pagiging deboto ng Nazareno, tulad ng debosyon sa pamamagitan ng panalangin, sakripisyo, at pagsisisi.

Ang taunang Traslacion ay hindi lamang pinakamalaking religious procession sa Pilipinas kungdi maituturing din bilang isa sa pinakamalaking prusisyon sa buong mundo. (report by Bombo Jai)