Binalikan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang serye ng pagbisita ni Pope Leo sa Pilipinas ilang taon bago siya tuluyang napili bilang Santo Papa.
Pangunahin dito ay ang September 2010 visit ng bagong santo papa dito sa bansa bilang si Father Robert Prevost.
Dito ay binisita ni Father Prevost ang Intermediate General Chapter Order of Saint Augustine dito sa Metro Manila, blessing sa Augustinian Friary sa Mohon, Talisay City, at ang tuluyang pagtungo niya sa probinsya ng Cebu.
Kasabay nito ay hinikayat ni dating CBCP president, Archbishop Socrates Villegas ng Archdiocese of Lingayen-Dagupan ang mga mananampalataya na iwaksi ang racial, political, at nationality ni Pope Leo XIV sa pagtanggap sa kaniya bilang pinakamataas na lider ng Simbahang Katolika.
Hinimok din ni Archbishop Villegas ang bawat isa na iwaksi ang mga label tulad ng liberal at conservative at tanggapin siya bilang Santo Papa.
Nararapat lamang aniya na sundin ng bawat mananampalataya ang bagong santo papa tulad ng pagsunod kay Hesu-kristo.
Giit ni Villegas, ang bagong Santo Papa ay regalo ng diyos sa simbahan upang gabayan ang bawat isa patungo sa Diyos.