Binuweltahan ni House Speaker Alan Peter Cayetano si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco kasunod ng kanilang pulong kagabi sa Malacanang kasama si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang privilege speech sa plenaryo ng Kamara nitong hapon, pinuna ni Cayetano ang panggugulang umano sa kanya ni Velasco.
Masyado kasi aniya nagmamadali si Velasco na maupo bilang lider ng Kamara at hindi isinasalaang-alang ang mahahalagang panukalang batas na tinatalakay ng mababang kapulungan sa kasalukuyan tulad na lamang ng 2021 proposed P4.5-trillion national budget.
Iginiit ni Cayetano na makailang beses na nakisuap si Pangulong Duterte kagabi kay Velasco na kung maari ay sa December na gawin ang pagbabago sa House leadership.
Pero sa kabila ng apela ng Pangulo, sinabi ni Cayetano na paulit-ulit naman itong tinatanggihan ni Velasco.
Ayon kay Cayetano, nang mabuo ang term-sharing agreement nila ni Velasco ay hiningi niyang panukalang pambansang pondo ang maaprubahan sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Bukod dito, umaapela rin si Cayetano kay Velasco na kung maari ay makapagdiwang man lang siya ng kanyang ika-50 kaarawan bilang Speaker ng Kamara.
Pinatutsadahan naman ni Velasco ang mga supporters ni Velasco na aniya’y tinitira siya nang patalikod sa kabila ng kanyang maayos na pakikitungo sa kanya.
Ayon kay Cayetano, katulad ni Velasco, atat din aniya an gmga supporters nito na maupo ang mga ito sa puwesto sa Kamara.
Pero nilinaw ni Cayetano na walang mapapalitan sa chairmanship ng mga komite base na rin sa naging pangako ni Velasco.