Hinamon ni Capiz Rep. Fredenil Castro ang mga supporters ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na may hawak na posisyon sa Kamara na bumaba sa puwesto.
Ginawa ito ni Castro makalipas ang isang araw at kalahati nang tanggihan ng mga kongresista sa naganap na botohan ang alok ni Speaker Alan Peter Cayetano na magbitiw bilang lider ng Kamara kasunod naman ng kanilang pulong sa Malacanang nina Velasco kasama si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang privilege speech sa gitna ng plenary deliberations sa 2021 proposed national budget nitong umaga, binuweltahan ni Castro ang puna ng kampo ni Velasco hinggil sa hindi umano paggalang ni Cayetano sa term-sharing agreement na binuo ni Pangulong Duterte.
Dapat aniya isaisip at gawin na rin ng kampo ni Velasco ang patutsada ng mga ito kay Cayetano hinggil sa pagkakaroon nang palabra de honor at magkusa nang lisanin ang hawak na puwesto at ibigay sa mas karapatdapat.
Hindi na aniya kailangan na magkunwari ang mga ito habang pinagtataksilan ang mga kasamahan sa Kongreso at dinidiskaril ang kapulungan.
Ayon kay Castro, ibigay ang posisyon mas karapatdapat at handang makipagtulungan sa liderato ng Kamara.
Sa kanyang privilege speech noong Setyembre 30, sinabi ni Cayetano na ilang posisyon ang kanyang ibinigay sa mga supporters ni Velasco sa hangarin mapag-isa silang mga kongresista sa kabila nang pagkakaiba ng posisyon at partido.
Ilan sa mga supporters ni Velasco sa Kamara na may posisyon ay si AAMBIS-OWA Partylist Rep. Sharon Garin na Chairman ng Committee on Economic Affairs, PBA Partylist Rep. Jericho Nograles na Vice Chairman ng Committee on Energy, Deputy Speaker Mikee Romero, Quezon Rep. Mark Enverga na Chairman ng Committee on Agriculture and Food, at Deputy Minority Leader Joseph Stephen Paduano.