-- Advertisements --

Aabot na sa tatlong indibidwal ang kumpirmadong nasawi dahil sa masamang lagay ng panahon sa bansa dulot ng nagdaang bagyong Crising, Dante, at Emong.

Ito ay mula sa kabuuang 25 na bilang ng naiulat na nasawi kung saan 22 dito ay patuloy na bineberipika ng ahensya.

Batay sa datos ng NDRRMC, ang mga ito ay nagmula sa mga lugar ng Central Luzon, Northern Mindanao, at maging ng CARAGA.

Kaugnay ng masamang lagay ng panahon ay aabot naman sa walo ang napaulat na nawawala habang mayroon ding walo na naitalang sugatan.

Sa ngayon ay aabot na sa mahigit isang milyong pamilya o katumbas ng mahigit 3.8 milyong indibidwal ang naitalang naapektuhan ng masamang panahon mula sa 17 rehiyon sa Pilipinas.

Nasa mahigit 47,000 pamilya o katumbas ng 167,000 indibidwal ang kasalukuyang nanunuluyan sa mga itinalagang evacuation centers sa bansa.