-- Advertisements --

Apektado ngayon ang nasa mahiit 270,000 indibidwal habang mayroong dalawang indibidwal ang napaulat na nawawala sa pananalasa ng bagyong Verbena.

Base sa pinakabagong datos mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong umaga ng Miyerkules, Nobiyembre 26, mahigit 78,000 pamilya ang naapektuhan ng bagyo sa MIMAROPA, Western Visayas, Negros Island, Central Visayas at Caraga.

Pinakamaraming bilang ng mga apektadong indibidwal ay naitala sa Negros Island na nasa mahigit 160,000.

Sa kabuuang apektadong populasyon, mahigit 48,000 indibidwal ang nananatili sa mga evacuation center habang may ilang lumikas sa ibang ligtas na lugar.

Samantala, ang dalawang napaulat na nawawala ay mula sa Negros Island Region bunsod ng epekto ng shear line at ng bagyo.

Sa ngayon, walang naitalang nasawi o nasugatan dahil sa mga kasalukuyang kalamidad.

Nagdulot naman ng landslide ang mga pag-ulan sa may Barangaay Quipot-Barasalon sa may Iloilo subalit walang naitalang nasawi.

May 24 na lugar din ang naapektuhan ng mga pagbaha sa Eastern Visayas at Caraga habang may ilang lugar na nagsimula nang humupa ang baha.

May mga lugar ding nawalan ng suplay ng kuryente.

Una rito, nagsagawa na ng pre-emptive evacuations sa Western Visayas, Negros Island, Central Visayas, Eastern Visayas at Caraga para maiwasan ang anumang untoward incident sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo.

Bilang tugon, nakapag-abot na ang pamahalaan ng mahigit P300,000 relief assistance para sa mga apektado ng bagyo.