-- Advertisements --

KALIBO, Aklan —- Matapos makapagtala ng 21 kaso ng Delta variant ng Covid-19 sa lalawigan ng Aklan, agad na nagsagawa ng case backtracking at contact tracing ang mga kaukulang Rural Health Unit sa mga nakasalamuha ng mga pasyente kahit na nakarekober na ang mga ito sa sakit.

Ayon kay Dr. Cornelio Cuatchon, Jr. ng Provincial Health Office (PHO-Aklan), na-detect ang 21 Delta variant mula sa 58 specimen sample na kanilang ipinadala sa Regional Epidemiology and Surveillance Unit noong unang linggo ng Agosto para sa genome sequencing sa Philippine Genome Center.

Kahit gumaling na ang 20 sa mga pasyente, muli silang isinailalim sa RT-PCR test. Sakaling mag-negatibo papayagan na silang lumabas ngunit kapag mag-positibo, titimbangin pa ang cycle threshold value.

Nabatid na isa sa tinamaan ng Delta variant ay nasawi.

Sa kabilang daku, sinabi pa ni Dr. Cuatchon na ibinaba na sa moderate risk ang Aklan dahil sa patuloy na pagbaba ng mga bagong kaso ng deadly virus at low risk na rin ang healthcare utilization rate.