-- Advertisements --

Lumubog ang isang liberian-flagged cargo ship na may kargang mga mapanganib na kemikal sa bahagi ng karagatan ng Kerala, India ayon sa ulat ng Indian Navy nitong Linggo.

Lulan ng nasabing barko ang 24 na tripulante mula sa iba’t ibang bansa kabilang ang Georgia, Russia, Ukraine, at Pilipinas na ligtas namang nasagip ng mga awtoridad.

Nabatid na ang naturang cargo ship o MSC ELSA 3 na may 184 metro ang haba ay naglalayag mula Vizhinjam patungong Kochi nang ito ay magpadala ng distress signal noong Sabado.

Natagpuan ang barko gamit ang mga eroplano ng Indian Navy sa 38 nautical miles southwest ng Kochi na nakalutang umano sa isang delikadong posisyon.

Sa isang pahayag sinabi ng Indian Ministry of defense, 640 containers ang sakay ng barko, kabilang ang 13 hazardous containers at iba pang 12 na may laman na calcium carbide —isang kemikal na ginagamit sa paggawa ng abono at bakal.

Karga rin ng lumubog na barko ang nasa 370 toneladang langis at fuel, ngunit ayon sa coast guard, wala pa namang naitatalang oil spill sa lugar.

Samantala, nakahanda na ang Indian Coast Guard para sa posibleng pollution response laban sa banta ng oil spill sa karagatan ng Kerala.