Dumipensa ang alkalde ng Capas, Tarlac matapos na pumalag sa naging desisyon ng Department of Health (DOH) na gawing quarantine site ang New Clark City para sa mga oversease Filipino workers (OFWs) na umuwi mula China dahil sa banta ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV-ARD).

Sa isang statement, binigyan diin ni Mayor Reynaldo Lopez Catacutan hindi totoo na ang kanilang inisyal na naging reaksyon ay akto nang pagiging maramot kundi pruweba lamang na ganito ang nangyayari kapag hindi naiintidihan ng mga tao ang sitwasyon, problema at solusyon.

Nauna nang umapela si Catacutan kay Pangulong Rodrigo Duterte at kay Health Sec. Francisco Duque na ikonsiderang ilipat sa ibang lugar at pasilidad ang isolation area para sa mga persons under monitoring matapos na hindi aniya nakonsulta ng DOH ang lokal na pamahalaan ng Capas para gawing quarantine zone ang New Clark City.

“THIS WAS NOT A FINAL STAND but an initial reaction from a father who was protecting his family. Bilang ama ng Capas na malayo sa kanila, I initially reacted dahil nag cause po ng panic ang biglaang balita na sa New Clark City dadalhin ang mga repatriated Filipinos na under monitoring,” saad ng alkalde.

Ayon kay Catacutan, nagresulta sa panic sa mga residente ng kanilang lungsod ang naging anunsyo ng DOH sapagkat nagkaroon aniya nang pagkalat ng fear at fake news.

-- Advertisement --

Samantala, ipinagtataka naman nila kung bakit ginawang quarantine zone ang Athletes Village sa NCC gayong hindi naman angkop anila ang naturang pasilidad para sa rito.

Itinayo ang NCC noong nakaraang taon para gamitin sa hosting ng bansa sa 2019 Southeast Asian Games.

Dahil ginamit ito bilang quarantine zone, nangangamba si Catacutan sa epekto nito para sa imahe ng NCC gayong may mga events na nakatakdang gawin dito.

“Ano kaya ang magiging future ng NCC kung magiging quarantine zone ito at biglang may magpositive. Ang NCC na ginastusan po ng napakalaki ng national government at ipinagmalaki natin bilang world-class facility. Baka masayang at magkaroon ng stigma o irreversible negative image bilang quarantine zone,” dadag pa nito.

Gayunman, iginagalang ng lokal na pamahalaan ang hurisdiksyon ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) sa NCC, pero umaapela sila nang pag-unawa para naman sa mga komunidad sa lungsod na nangangamba sa kanilang kalagayan.

“We in Capas, offer our home, our sympathy, and prayers for the health of our fellow Filipinos at sana po magkaroon na ng permanenteng solusyon para sa NCoV,” ani Catacutan.