NAGA CITY – ‘Looking forward’ umano sa ngayon ang mga Canadians na mapapasakamay ng Toronto Raptors ang kampeonato sa NBA Finals ngayong taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Von Canton, tubong Naga City at naninirahan na ngayon sa Canada, sinabi nitong malaki ang tiwala ng mga Canadians sa kakayahan ng Raptors para labanan ang defending champion na Golden State Warriors.

Ayon kay Canton, buo aniya ang suporta na ibinibigay ng mga residente sa lugar sa naturang koponan lalo na at matapos ang mahabang panahon, ngayon lang nakapasok sa finals ang kaiisa-isang Canadian basketball team.

Kaugnay nito, magkahalong stress at kasiyahan aniya ang nararamdaman ng mga tao sa naturang bansa.

Una rito, ayon kay Canton, hindi alintana ng mga Canadians ang pagtaas ng presyo ng mga ticket para lamang personal na makapanood ng naturang laban.