-- Advertisements --

Inaasahang magiging ikatlong pinakamalaking kalahok ang Canada sa gaganaping Exercise Balikatan 2026 sa Pilipinas, matapos mapirmahan ang Status of Visiting Forces Agreement (SOVFA) sa pagitan ng dalawang bansa, ayon kay Canadian Ambassador David Hartman.

Sinabi ng embahador na ang mga naturang aktibidad ay patunay ng patuloy na paglalim ng ugnayang pangdepensa ng Canada at Pilipinas.

Dati nang lumahok ang Canada bilang observer sa mga nakaraang Balikatan exercises. Sa 2026, inaasahang magkakaroon ito ng higit sa 500 magkasanib na aktibidad militar, kabilang ang malawakang pagsasanay at palitan ng kaalaman sa pagitan ng mga eksperto.

Ayon kay Hartman, magbibigay-daan din ang Status of Visiting Forces Agreement sa tuloy-tuloy na partisipasyon ng Canada sa mga joint maritime cooperation activities sa West Philippine Sea.

Sinimulan ang pormal na negosasyon para sa kasunduan noong Enero 16 at natapos noong Marso 7. Pormal itong nilagdaan noong Nobyembre 2 at magkakabisa matapos ang pagpapatibay ng Senado. (REPORT BY BOMBO JAI)