-- Advertisements --

Naniniwala ang political analyst na si Atty. Edward Chico na ang ginawang paghiling ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa bawat miyembro ng gabinete na magsumite ng kani-kanilang courtesy resignation ay isang leadership necessity o isang pangangailangan para mapagbuti ang pamamahala.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Chico, iginiit nitong ang ginawa ng pangulo ay kailangan upang mapagbuti pa ang kaniyang pamamahala. Posibleng bahagi ito aniya ng pagnanais ng punong ehekutibo na ma-recalibrate ang kaniyang gabinete at masuri muli ang tinatakbo ng kaniyang administrasyon.

Tinukoy ng abogado ang pagkapanalo nina Pang. Marcos at VP Sara Duterte noong 2022 kung saan pinili siya ng kaniyang mga supporter at mga supporter ni VP Sara na nagsilbi niyang ka-tandem noon.

Dahil sa tuluyang pag-aaway ng dalawang kampo ay posible aniyang kinailangan ng pangulo na suriin muli ang mga itinalaga niya sa pwesto upang matiyak na ang mga ito ay makakatuwang niya sa pag-abot sa minimithi ng kaniyang administrasyon.

Ayon pa kay Atty. Chico, bagaman hindi maaaring ihiwalay ang usapin ng pulitika sa ganitong pagkakataon, ang naging hakbang ng pangulo ay isang pangangailangan upang masigurong lahat ng kaniyang itinalaga sa pwesto ay gumagampan sa kanilang tungkulin at may kontribusyon, salig sa inilatag na roadmap ng pangulo.

Naniniwala rin si Atty. Chico na maaapektuhan nito ang trust at popularity rating ni Marcos Jr.

Ayon sa abogado, dahil bahagyang bumababa ang tiwala ng publiko kay Pang. Marcos Jr. ay maaaring tugon ito ng pangulo upang mailigtas ang kaniyang administrasyon na apektado ng bumababang trust at popularity rating.

Paliwanag ng political analyst, hindi maaaring maging mahina ang isang pangulo dahil tiyak na sasamantalahin ito ng kaniyang mga kritiko at ng mga kalaban niya sa pulitika, lalo at hindi lingid sa kaalaman ng mga Pilipino ang matinding awaysan sa pagitan niya at ng pamilya Duterte.