LEGAZPI CITY – Nangako ng tulong ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) upang mapabilis ang galaw ng imbestigasyon sa nangyaring pag-crash ng Philippine National Police (PNP) chopper sa lungsod ng San Pedro, Laguna.
Sugatan sa naturang insidente sina PNP Chief General Archie Gamboa at pitong iba pang opisyal na lulan ng Bell 429 helicopter nitong Huwebes.
Sinabi ni CAAP spokesperson Eric Apolonio sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ipinadala na sa crash site ang intelligence personnel mula sa Aircraft Accident Investigation Office upang maging kaagapay ng PNP sa isinasagawang pagsisiyasat.
Dalawang data recorder aniya ang kinakailangang i-decode sa naturang helicopter kabilang ang flight data recorder at cockpit voice recorder.
Naniniwala si Apolonio na agad matutukoy ang mga pangyayari bago bumagsak ang helicopter mula sa idi-decode na mga data recorder.
Karaniwan aniyang nag-iimbestiga ang CAAP sa mga commercial operations subalit bukas namang umagapay sa PNP na nag-request ng kanilang assistance sa imbestigasyon.