Nakatakdang magsampa ng reklamo ang Department of the Interior and Local Government (DILG) laban sa ilang opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP) kaugnay sa umano’y minanipulang bidding para sa pagbili ng fire safety equipment at sinabing nakatanggap umano ang ahensiya ng P15 billion na kickback kada taon.
Ayon kay DILG Sec. Jonvic Remulla, posibleng sampahan ng reklamo sa susunod na linggo ang unang 20 opisyal ng BFP, na pawang matataas na opisyal ng ahensiya na sangkot umano sa bid rigging ng fire trucks at equipment.
Sinabi rin ng kalihin na magpapatawag siya ng press conference para sa buong detalye kaugnay sa naturang isyu.
Base sa pagtaya ng kalihim, nakakolekta ang BFP ng mahigit P15 bilyon kada taon mula sa mga negosyo sa bansa.
Ibinunyag ni Sec. Remulla ang kamakailang nasita ng DILG na binili ng BFP na milyun-milyong halaga ng fire extinguishers at sprinkler system na inilarawan ng kalihim bilang expensive, kung saan ilang BFP officials umano ang nagbenta ng mga ito sa pamunuan ng isang gusali sa Quezon City.
Nauna ng inihayag ni Remulla na isang BFP official sa QC ang sinibak sa pwesto at isa sa BFP NCR dahil sa P30 million extinguishers.
Ang naturang hakbang ng DILG sa BFP, bilang attached agency nito, ay bahagi ng kampaniya para matugunan ang umano’y mga anomaliya sa bureau, na nauna ng tinukoy ni Remulla bilang most corrupt agency umano sa ilalim ng DILG.
















