Inihayag ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na inilagay na nila sa heightened alert ang lahat ng paliparan sa bansa kasabay ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa darating na Undas 2025.
Ayon sa CAAP, tinatayang 5.8 milyong pasahero ang lilipad mula Oktubre hanggang Nobyembre, mas mataas ng isang milyon kumpara sa 4.8 milyong pasahero na naitala noong 2024.
Dagdag pa ng ahensya na magkakaroon ng Malasakit Help Desks sa bawat paliparan, mahigpit na seguridad, at naka-standby na medical teams para sa mga emergency.
Nakipag-partner na rin ang CAAP sa PNP Aviation Security Unit, Office for Transportation Security, Department of Tourism, Civil Aeronautics Board, at mga airline upang masiguro ang maayos na operasyon ng paliparan.
Pinayuhan din ng CAAP ang mga pasahero na sumunod sa mga alituntunin sa paliparan upang maiwasan ang pagkaantala at abala sa ibang biyahero.
Ang naturang hakbang ay kaakibat ng Oplan Biyaheng Ayos: Undas 2025 ng Department of Transportation, na magtatagal mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 4, 2025.
















