-- Advertisements --

Pinagtibay ng Court of Appeals ang no-bail ruling nito sa anim na akusado sa kontrobersiyal na kaso ng missing sabungeros.

Ang anim na akusado ay security personnel ng Manila Arena na kinasuhan ng pagdukot at serious illegal detention may kaugnayan sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Sa resolusyon na inisyu noong Mayo 6, tinanggihan ng Third Division ng appellate court ang motion for reconsideration na inihain sa Manila Regional Trial Court Branch 40 ng anim na akusado, kabilang sina Julie Patidongan, Gleer Codilla, Mark Carlo Zabala, Virgilio Bayog, Johnry Consolacion at Roberto Matillano Jr.

Ayon sa korte, lumabas sa kanilang evaluation sa mga nakalap na ebidensiya na mayroong “evident proof o presumption great” na nagawa ng nasabing mga respondent ang krimen na isinampa laban sa kanila.

Sa tatlong pahinang resolusyong isinulat ni CA Associate Justice Apolinario Bruselas Jr., nakasaad na nabigo ang mga respondent na makumbinsi ang korte na nakaligtaan nila ang mahalagang pangyayari o piraso ng ebidensiya para i-justify ang pagbabago o pagbaliktad ng kanilang desisyon.

Nag-ugat ang naturang kaso mula sa pagkawala ng anim na sabungero na kinilalang sina Mark Joseph Velasco, Marlon Baccay, James Baccay, Rowel Gomez, John Claude Inonog, at Rondel Cristorum, na dinukot umano ng mga akusado at kanilang mga kasamahan.

Ayon sa mga testigo, huling namataan ang mga biktima noon pang Enero 13, 2022 habang dinadala ang mga ito sa basement ng Manila Arena at pagkatapos ay pwersahang isinakay sa isang gray van at buhat noon ay hindi na muling nakita pa.