Iginiit ni Senate President Pro-Tempore Ping Lacson na hindi otomatikong ilegal ang budget insertions dahil bahagi ito ng mandato ng mga mambabatas sa paghubog ng pambansang pondo.
Gayunpaman, aniya, naabuso na ito ng ilang mambabatas, kabilang ang mga kongresista na nagsingit ng malalaking halaga sa 2025 national budget.
Sinabi ni Lacson na umabot sa mahigit P100 bilyon ang halaga ng insertions mula sa Senado para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) pa lamang, na nakalaan sa iba’t ibang proyekto ng imprastruktura kabilang ang flood control.
Batay sa nakalap niyang impormasyon, sinabi ni Lacson na ang dokumentong naglalaman ng listahan ng mga kongresistang nagsingit ng pondo para sa DPWH ay binubuo ng ilang pahina, nakaayos sa alpabeto ang mga pangalan. “Parang roll call,” aniya tungkol sa listahan ng Kamara.
Nang tanungin kung lumampas ang halaga ng insertion galing sa Kamara kumpara sa insertions ng Senado, tugon ni Lacson ay maaaring lampas.
Dagdag niya, posibleng nakipagsabwatan ang ilang mambabatas sa mga tiwaling opisyal ng DPWH upang makakuha ng kickback mula sa mga proyekto, dahilan para mas malaki pa ang pondo ng ahensya kaysa sektor ng edukasyon, na labag sa Konstitusyon.
Nanindigan din si Senate President Tito Sotto III na ang mga amyenda o insertions, indibidwal man o institusyonal, na ginagawa sa panahon ng deliberasyon ay bahagi ng regular na proseso ng pambansang pondo.
Binigyang-diin ni Sotto na mandato ng mga senador na magpasok ng mga pagbabago sa budget upang matiyak na tama ang paggamit ng pondo ng bayan.
Aniya, ito ang nagsisilbing mekanismo ng check-and-balance sa paggastos ng gobyerno.
Tiniyak naman ng lider ng Senado na magkakaroon ng mga reporma sa proseso ng 2026 budget upang mapalakas ang transparency at accountability.
Kabilang dito ang paglalagay ng livestreaming sa lahat ng hakbang ng budget deliberations.