-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Naniniwala ang progresibong grupong Anakbayan na mahalagang hakbang ang rekomendasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na kasuhan ng graft at plunder sina dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at dating Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co kaugnay sa flood control projects anomaly.

Ayon kay Mhing Gomez, Anakbayan chairperson na daan ito upang mabunyag ang utak sa itinuturing na pinakamalaking korapsyon sa bansa.

Aniya, pawang mga maliliit na isda pa lamang umano ang naaresto ngayon sa nagpapatuloy na malawakang operasyon laban sa umano’y mga sangkot sa katiwalian sa paggamit ng pondo para sa flood control.

Sa kabila nito, direktang inakusahan ng Anakbayan na ang dating magka-tandem na sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at Vice President Sara Duterte ang nasa likod ng kontrobersiya.

Naniniwala si Gomez na makakamit lamang ang hustisya sa oras na mapasagot ang dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.

Samantala, kasabay ng kanilang 27th anniversary sa Nobyembre 30 at kaarawan ni Gat Andres Bonifacio, magsasagawa sila ng kilos protesta na may titulong “Baha sa Luneta 2.0: Protestang Bayan kontra Kurakot” kasama ang iba pang mga progresibong grupo.