Kinoronahan bilang Miss International 2025 si Catalina Duque Abréu ng Colombia sa coronation night ng ika-63 edisyon ng pageant na ginanap ngayong Huwebes, November 27 sa Tokyo, Japan.
Ipinasa ni Miss International 2024 Huỳnh Thị Thanh Thủy ang korona kay Catalina bilang kaniyang successor sa katatapos na prestihiyosong pageant.
Si Catalina ang ikaapat na Colombian beauty queen na nagwagi ng Miss International title. Ang mga naunang nagwaging beauty queen mula sa Colombia ay sina Stella Márquez (1960), Paulina Gálvez (1999), at Jeymmy Vargas (2004).
Itinanghal naman ang pambato ng Pilipinas na si Myrna Esguerra bilang 4th runner up, si Melliza Xaviera Yulian ng Indonesia ang 3rd runner up, Paola Guzmán ng Bolivia bilang 2nd runner up at Yollanda Chimbarami ng Zimbabwe bilang 1st runner up.
Ang Miss International ay isa sa kilalang “Big Four” international beauty pageant, kasama ang Miss Universe, Miss World at Miss Earth.













