-- Advertisements --

Nagbukas ng tig-tatlong gates ang Angat at Ipo Dam dahil sa malawakang pag-ulan sa watershed area ng mga ito.

Parehong umabot ang antas ng dalawang dam sa kani-kanilang normal high water level (NHWL) kaya’t tuluyan nang nagbukas ang dam management.

Mayroong tatlong-metrong opening ang spillway gates na binuksan sa Angat at nagpapakawala ito ng 369 cubic meters per second (cms).

Umaabot naman sa 447.70 cms ang pinapakawalan ng Ipo Dam.

Sa kasalukuyan, limang major dams na sa buong bansa ang nagpapakawala ng tubig.

Kabilang dito ang Magat, Binga, at Ambuklao na halos wala pang tigil sa pagpapakawala mula noong magkakasunod na nanalasa ang malalakas na bagyong Tino at Super Typhoon Uwan.

Ang mga nabanggit na limang dam ay pawang mula sa Northern Luzon na kasalukuyan ngayong nakakaranas ng mga serye ng pag-ulan dahil sa umiiral na shearline at amihan.