May patutsada si Senate President Vicente Sotto III kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa matapos itong hindi sumipot sa Senado upang depensahan ang panukalang pondo ng Department of National Defense (DND) para sa 2026.
Humalili si Senate Committee on Finance Chairman Senador Win Gatchalian sa lahat ng budget sponsorship ni dela Rosa upang depensahan ito sa plenaryo ng Senado.
Kabilang sa dapat na dedepensahan ni Senador Bato ay ang panukalang pondo ng Department of National Defense at mga attached agencies nito, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), at National Security Council (NSC).
Sa panayam, iginiit ni Sotto na buhat nang lumiban si dela Rosa sa pagbubukas muli ng sesyon ng Kongreso noong Nobyembre 10, ay hindi ito nagpaalam sa kanya.
Hirit pa ni Sotto, hindi raw “okay” na hindi mo uupuan ang partikular na ahensyang nakatalaga sa iyo — at sana raw ay hindi na lamang kinuha ang chairmanship.
Ipinauubaya naman ng liderato ng Senado kay Gatchalian, bilang chairman ng Finance Committee, ang susunod na hakbang.
Sa pagkakaalam naman ni Sotto, walang sanction o parusa kung lumiban nang mahaba ang senador.
Ngunit, kanya raw babalikan ang rules ng Senado.
Kaugnay naman sa mga ulat na may arrest warrant na laban kay dela Rosa, kinumpirma ni Sotto na walang hinihinging tulong ang senador.
Si dela Rosa ay nahaharap sa mga kasong may kinalaman sa crimes against humanity dahil sa papel na ginampanan niya noong panahon ng madugong kampanya kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Bilang dating hepe ng Philippine National Police at itinuturing na pangunahing opisyal ni Duterte, si Dela Rosa ang naglabas ng Command Memorandum Circular No. 16-2016 matapos niyang maupo bilang PNP chief.
Ang nasabing memorandum ang naging batayan ng Project Double Barrel, na siyang nagpasimula ng kampanya laban sa ilegal na droga ni Duterte na kalaunan ay nakilala bilang Oplan Tokhang.
















