Nakakuha ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) ng dalawang bagong freeze order sa assets ng mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa anomaliya sa flood control projects.
Sa isang statement, sinabi ng konseho na saklaw sa freeze order ang 230 bank accounts, 15 insurance policies, 2 helicopters at isang eroplano.
Sa air-assets pa lamang aniya ay nagkakahalaga na ng tinatayang P3.9 billion.
Ayon sa ahensiya, nakapag-freeze na ito ng mahigit 3,500 bank accounts, 198 insurance policies, 247 motor vehicles, 178 real properties at 16 na e-wallet accounts na konektado sa umano’y maanomaliyang flood control projects.
Sa kabuuan, pumapalo ang halaga ng mga asset na ito sa P11.7 billion na inaasahan pang tataas habang nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa korapsiyon sa naturang mga proyekto.
















