Kinilala ang Mactan-Cebu International Airport (MCIA), ang pangunahing tourism transfer hub ng Pilipinas, bilang Airport of the Year – Asia sa TDM Travel Trade Excellence Awards 2025 na ginanap sa Singapore nitong Martes, Nobyembre 25, 2025.
Kinilala ang dedikasyon ng MCIA sa pagbibigay ng pinakamainam at pinakamabilis na transfer experience sa mga pasahero, kabilang ang implementasyon ng CEBConnects na nagbawas sa Minimum Connection Time (MCT) at nagpasimple ng air-to-air transfers para sa domestic at international flights.
Ayon kay Athanasios Titonis, chief executive ng Aboitiz InfraCapital Cebu Airport Corp. (ACAC), hindi lamang nila pinapabilis ang mga transfers, kundi sinusuportahan din nila ang turismo ng bansa sa pamamagitan ng pagpapadali ng biyahe para sa mga manlalakbay.
Ang MCIA ay nagsisilbing pangunahing gateway ng Pilipinas patungo sa Visayas at Mindanao. Nabawasan ang minimum connection time ng domestic flights mula 60 minuto tungo sa 35 minuto.
Samantala, ang connection time para sa domestic to international, international to domestic, at international to international flights ay bumaba mula 90 minuto tungo sa 60 minuto.









