-- Advertisements --

Inaprubahan ng House Committee on Ways and Means, na pinamumunuan ni Rep. Miro Quimbo ng Marikina City (2nd District), ang substitute bill na magpapalawig sa Estate Tax Amnesty.

Saklaw ng panukala ang mga ari-ariang naiwan ng mga pumanaw hanggang Disyembre 31, 2024, at pinalalawig ang panahon ng pag-aavail hanggang Disyembre 31, 2028. Papayagan ang pagbabayad nang walang penalty, surcharge, o interes, at maaari ring hulugan nang hanggang dalawang taon.

Ayon kay Quimbo, ang pagpapalawig ay magbibigay sa pamilya ng mas mahabang panahon at mas simple at abot-kayang proseso upang ayusin ang matagal nang hindi nababayarang estate taxes at mapasakanila ang titulo ng mga minanang ari-arian. 

Binanggit din ni Quimbo na nakalikom ang estate amnesty ng halos ₱12 bilyon mula 2019 hanggang 2024 at nakatulong sa pagpapagalaw ng mga nakatiwangwang na lupa.

Pagbibigay-diin ni Quimbo na layon ng panukala na alisin ang mabibigat na penalty at komplikadong dokumentasyon na matagal nang nagpapahirap sa pag-aayos ng mga estate. 

Dagdag niya, ang hakbang ay bahagi ng pagsusumikap ng komite na gawing mas simple at makatao ang tax system.

Kasama ang Estate Tax Amnesty extension sa mga prayoridad ng LEDAC.