-- Advertisements --

Pinag-iingat ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang mga online shopper ngayong holiday season dahil sa inaasahang pananamantala ng mga scammer.

Paliwanag ni CICC Undersecretary Renato “Aboy” Paraiso, malimit na samantalahin ng mga scammer ang e-commerce platforms dahil mas madaling makumbinsi ang mga mamimili rito.

Kabilang sa mga ginagamit ng mga ito ay ang malalaking discount, murang presyo kumpara sa mga mayroong physical stores, at ang mga pekeng testimoniya.

Payo ni Paraiso, kung bibili man online, dapat ay sa mga legitimate online shopping apps lamang mag-order dahil ang mga ito ay mayroong security feature kung saan hangga’t hindi pa maayos o makumpleto ang transaction ay wala pang payment o bayarang mangyayari.

Tinitiyak din aniya ng mga legitimate stores na maayos ang kalidad ng kanilang mga ipinapadalang produkto, kaya’t naiiwasan ang mga fake delivery scam.

Maliban sa mga shopper, binibiktima rin aniya ng mga fake online stores ang mga delivery driver na silang naghahatid ng mga pinapamiling produkto.

Inihalimbawa ni Paraiso ang mga report na nakalap ng CICC kung saan ipapabayad muna ng mga online store sa delivery drivers ang kanilang idedeliver na item, lalo na kung ang presyo ay mas mababa sa P1,000.

Marami aniya sa mga store na gumagawa sa ganitong sistema ay peke ang kanilang ipinade-deliver kaya’t kung hindi na magbabayad ang mga shopper, ang mga rider na ang nalulugi.

Apela ni Paraiso sa mga shopper, maging maingat sa pagpili ng online stores at huwag agad maniwala sa mga alok na discount, mababang presyo, magagandang testimoniya, at iba pang ginagamit para makahikayat ng maraming buyers.