Inaasahang makakaranas ang bansa ng surge o pagbugso ng hanging Amihan bukas, araw ng Martes, Nobiyembre 18, batay sa forecast mula sa state weather bureau.
Ayon kay weather specialist Dan Villamil, may kalakasan ang mararanasang surge ng Amihan, asahan ang pagbaba ng minimum temperature lalo na pagdating ng madaling araw.
Pagsapit naman ng araw ng Huwebes at Biyernes, inaasahang tuluyan pang lalakas ang hanging amihan, kayat inaasahan na malaking parte ng mainland Luzon ang maapektuhan kaakibat nito ang pagbaba ng thunderstorm activity lalo na sa hapon at gabi sa kanlurang parte ng Luzon.
Magpapatuloy rin na mararanasan ang maulap na papawirin at mga pag-ulan bunsod ng epekto ng Amihan sa malaking parte ng Hilagang Luzon.
Posible namang maglabas ng gale warning ang state weather bureau sa mga katubigan sa norte at kanlurang bahagi ng Luzon dahil sa inaasahang malalaking along dulot ng pagbugso ng hanging amihan.
Sa ngayon, walang binabantayang low pressure area (LPA) sa loob at labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at maliit ang tiyansa na may mabuong bagyo sa sunod na tatlo hanggang limang araw.
















